February 21, 2015 – POSIBLENG MASUNGKIT ng bansa ang isang world record matapos lumahok ang higit sa 12,000 kataong sa ika-9 na Angels Walk sa Mall of Asia (MOA), Pasay City.
Karamihan sa mga dumalo ay may suot na pakpak na puedeng ilahok sa kategoryang pinakamaraming pagtitipon ng mga taong may suot na pakpak.
Ang Angels Walk ay isang taunang pagtitipon na pinangungunahan ng Autism Society of the Philippines (ASP) sa tulong ng SM Cares. Layon nitong magkaroon ng kamulatan ukol sa autism at patas na pakikihalubilo sa lipunan ng may kapansanan
Kasama sina SM Prime Holdings Inc. President Hans Sy at ASP President Mona Veluz, ang mga lumahok ay nagmartsa sa MOA complex at nanood ng mga programa na kinatatampukan ng mga batang may autism.
Mga 25 sangay ng ASP mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang dumating, kung saan ang delegado mula Cavite ay nanalo ng Php 25,000 dahil sa pagdadala ng pinakamaraming kinatawan.
Inilunsad din ng ASP ang kampanyang a-OK Philippines na naglalayong gawing angkop sa mga may autism ang mga pampublikong establisyamento, paaralan, at opisina.
Mahigit 12,000 katao na binubuo ng mga may autism kasama ang kanilang pamilya ang sumali sa Angel’s Walk ng ASP upang ipalaganap ang kaalaman sa autism at isulong ang pantay na pakikitungo ng lipunan.