NAGTULUNGAN ANG SM at Unilever para magbigay at tumulong magtanim ng 15,077 na puno ng langka, atis at sampalok para sa mga residente ng Tacloban. Ito ay bahagi ng kampanya ng SM na “Grow a Million Trees” (GAMT) na kanilang isinasagawa sa buong kapuluan.
Matatandaang labis na nasalanta ng bagyong Yolanda ang nasabing probinsya noong 2013. Ang GAMT para sa lugar na ito ay isa sa mga inisyatiba ng SM at SM Foundation upang matulungan ang mga naapektuhan ng bagyo sa Tacloban na makapagtaguyod muli ng kanilang kabuhayan.
Ayon kay Adan Esmere, pinuno ng Tacloban People’s Organization (PO) Caminsahay Upland Developers Association, ang mga puno sa 30-hektaryang planting site ay ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kanilang komunidad bago ito nasalanta ng bagyo.
Dalawang daan at anim (206) na boluntaryo galing sa SM, Unilever, Caminsahay Upland Developers Association, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at mga Pantawid Pamilya ang lumahok sa pagtatanim.
Ang mga tinanim na puno ay pangangalagaan ng Camansihay Upland Developers Association sa susunod na 3 taon para sa kanilang karagdagang kabuhayan. Para sa adisyunal na tulong, ang mga bungang sampalok na kanilang maani ay bibilhin ng Unilever para sa kanilang Knorr na produkto.
Ang GAMT ay sumusuporta sa National Greening Program ng Department of Environment and Natural Resources, kung saan ang kanilang layunin ay magtanim ng 1.5 bilyong puno pagdating ng 2016.
Sa ngayon, nakapagtanim na ng kalahating milyong puno ang GAMT ng SM.
Pinoy Parazzi: SM at Unilever, nagtanim ng puno sa Tacloban
Monday, Nov 16, 2015